Sigurado maraming aalma at magsasabing ang bata bata ko pa para mag-inarte sa bagay na ‘to. Pero minsan talaga dumarating tayo sa punto kung saan parang earphones na naiwanan sa bag na lahat ng tanong at pagdududa sa isip natin; buhul-buhol. Magulo. Nakakainis.
Pero ‘wag ka, sa sandamakmak at sandamukal na pagkarami-raming beses kong nagkagusto sa isang tao, ito na yata yung pinaka-kakaiba. Sa pagkakataong ‘to yung maraming thrill and excitement eh. Forbidden love na may pagka-you-and-me-against-the-world na eching pa. Kaya naman kung may isang bagay man akong gustong kalimutan, sigurado akong hindi ito.
Ninamnam ko ang bawat minuto, bawat segundong nakasama ko siya. Mangilan-ngilang beses ko ring pinaghugutan ng lakas at dahilan para maging masaya yung mga ngiti niya. Ilang umaga ring nagsilbing alarm clock ko ang boses niyang ‘di ko maalis noon sa isip ko. Tuwing magkasama kami noon, kulang na lang eh magbaon ako ng megaphone nang maipagsigawan ko sa lahat na kasama ko siya. Tandang-tanda ko ang bawat haplos niya sa aking buhok at mga kamay, ang pag-alalay niya sa akin sa tuwing umaakyat ako sa jeep o sa hagdanan, pati ang walang sawa niyang pagpuna sa itsura ko sa araw-araw. Napakaraming magagandang alaala ang naipundar namin. Ika nga nila, package deal na. Korni pero maraming beses ko ring hiniling nung mga panahong ‘yun na sana tumigil muna yung oras at pagbigyan muna kaming dalawa. Kaso lang yung mga tropa kong APhy ‘di pa nakakaimbento ng pang-pause ng oras eh. Sabi ko nga: “All things come to an end.” Kaya kung masaya ka ngayon, ngayon lang ‘yan! *bitch laugh* Pero siyempre ‘di ako nagbibiro. Duh, nangyari na nga sa akin oh. Eto na nga, based from own experience.
Yung mga panahong 'yun, naramdaman kong parang sasabog yung dibdib ko; sumunod eh sa ulo naman ako nakaramdam ng pwersa. Maya maya’y may lumabas. May tumulo. Nabasa ang mga pisngi kong pinagaspang ng tigyawat na resulta ng gabi-gabing pagpupuyat kausap at katext siya. T****** yan, umiiyak na pala ako. Sinubukan kong ibalik sa mga mata ko yung mga luhang tumulo pero wala na akong nagawa. Sabi ko bahala na sila, magiging muta naman ‘yan maya maya. Pero habang umiiyak ako, hindi ako lumapit sa kanya nang sa ganun ‘di ko na kailangang sumagot sakaling magtanong siya kung bakit ako umiiyak. Tiniis ko pero nabigo ako. Tumakbo ako sa kanya nang may malalim, nagsusumigaw, at namumugtong mga mata. Niyakap ko siya ng napakahigpit nang walang sinabing kahit na ano. Marami sana akong gustong sabihin pero parang bigla kong nakalimutan lahat. Sa totoo lang, sa lahat ng yakap na ibinigay ko sa kanya, ‘yun yung pinaka-mapait at pinaka-masakit. “Bakit siya aalis? Bakit niya ko iiwan? Ito ba yung bayad para sa lahat ng masasaya naming sandali?”
Sobrang masakit yung mga oras na nagpapaalam kami sa isa’t isa. Ito rin kasi yung panahong pinipilit kong paniwalain ang sarili kong magiging okay ako sa pagkawala niya; na hindi ko iiyakan ang katotohanang natapos na ang maliligayang araw naming dalawa. Nahirapan akong ipagpilitan sa sarili kong wala namang magbabago sa pag-alis niya, kasi hindi totoo. Malaking bahagi ng buhay ko yung nagbago. Malaking parte ng pagkatao ko yung isinama niya sa bagahe niya pag-alis. Masakit.
Pero kung masakit ‘yun, mayroon pa palang mas masakit. Ano? Yung pakiramdam na parang wala lang; na parang utot ka lang na pagkatapos amuyin eh ini-exhale na at hinayaan na ulit mag-diffuse sa hangin. Hindi ako sigurado kung nakalimutan o kinalimutan na niya ako; basta ang sigurado ako, malaki ang naging pagbabago sa pagitan naming dalawa magmula ng umalis siya. Parang back to the start. Kaya naman kahit ayaw ko sana, ‘di ko maiwasang isipin na niloko niya lang ako; na lahat ng bagay sa ‘ming dalawa eh isang malaking biro lang pala. Pakiramdam ko naman hindi ako nagkulang sa paggawa ng paraan para mapanatili yung spark at kilig sa pagitan naming dalawa kahit pa magkalayo kami. Hindi ko pinabayaan yung kung-ano-mang relasyong mayroon kami. Kaso ‘di yata sapat, o ‘di kaya naman siya mismo ang may ayaw. Matagal-tagal ko na ring nararamdaman ang pag-iwas niya sa akin, parang mas nagiging halata pa nga sa bawat araw na lumilipas. Kaso yun nga, mas obvious, mas masakit.
Naintindihan ko naman nung sinabi niyang wala daw siyang oras. Pero maniniwala pa ba ako kung sa mga panahong puputulin niya yung usapan namin dahil “busy” daw siya, ilang sunud-sunod na beses kong makikitang nakikipag-usap siya kung kani-kanino? 'Di ko na rin nga mabilang kung ilang beses nangyari ang ganoon, pero ang natatandaan ko lang, eh yung pakiramdam na halos i-ultimate facepalm ko ang sarili ko dahil parang nagmumukha na akong tanga; na sa walang palya kong pagbabantay sa mga kilos niya at pagbibigay ng kahulugan sa lahat ng ginagawa niya, para na akong asong buntot ng buntot sa kanya.
Hindi naman ako sigurado; at sino ba naman ako para husgahan ang mga kilos niya? Isang hamak na ambisyosang nagbubulag-bulagan para mapanatili ang tiwala sa sarili niya. Kasi love is blind nga di ba? So normal lang magbulag-bulagan? Minsan kasi sa paraang ‘yon nasa-save natin ang mga sarili natin sa posibleng sakit na mararamdaman natin kapag bukas ‘yung mga mata natin. Pero ingat lang sa pagbubulag-bulagan, baka tamaan ka ng masamang hangin.
Mataas pa naman ang sense of self-control ko. At higit sa lahat, ayoko naman maging aso sa paningin ko at ng ibang tao. Kaya ayan. Iwas kung iwas. Tiis kung tiis. Maunang bumigay, siyang talo. Manigas kaming dalawa sa paghihintay.
Pero 'di ako magpapaka-impokrita. Aaminin kong may kaunting pag-asa pa ring nananalaytay sa mga ugat ko. Sana insecure lang ako. Sana paranoid lang talaga ako. Sana dumating pa rin yung araw na siya naman ang lalapit sa akin at gagawa ng mga paraan para mapatatag pa kung ano mang mayroon kami. Sana ako pa rin yung iniisip niya bago siya matulog. Sana naka-display pa rin sa kwarto niya ang litrato naming magkasama. Sana pinagmamalaki pa rin niya ako sa mga kaibigan niya. Sana hindi niya pa rin nakakalimutan yung mga pangakong iniwan niya sa akin bago siya umalis. Sana may maganda pang kapalaran ang naghihintay sa amin. Sana. (Hands down to you, teh. Ambisyosa kang tunay.)
Pero ang kasalukuyan ay hindi na kagaya ng dati. Umaasa pa rin naman ako pero 'di na rin kagaya ng dati. Yung kalahati kasi ng natitira ko pang pag-asa eh nilaan ko naman para sa sarili ko; para naman gisingin ako sa tuwing nalilinlang na naman ako ng sarili ko; para sa susunod na mangyari na naman ito, mababatukan ko pa ang sarili ko’t masasabi ko pang “Hoy, ‘wag kang tanga. Matagal ka na niyang kinalimutan. Kahit maglaslas ka pa ng tiyan mo at isa-isang tanggalin ang internal organs mo sa harapan niya, wala siyang pakialam. Madali para sa kanyang kalimutan ka, kaya ‘wag kang assumera. Siguradong hahanap na siya ng iba, kaya unahan mo na. Move on you stupid b*tch. You deserve more than that.”